KOUGAKU RYOUYOUHI – PAGPAPAGAMOT NA MALAKI ANG HALAGA


Kung magkasakit o magkapinsala at gagamit ng medical insurance sa pagpapagamot, ang babayaran lamang ay 30% ng sinisingil na bayad sa pagpapagamot kung ang iyong medical insurance ay ang National Health Insurance o Kokumin Kenkou Hoken kung tawagin sa Hapon (kapag ang medical insurance na gamit ay pang-kompaniya, 20% kung sa sarili nakapangalan ang insurance, at para sa mga membro ng pamilyang kasama sa insurance ay 20% kung ma-ospital, at 30% kung hindi kailangang ma-ospital). Ito ay tinatawag na ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad. Subalit kapag matagal na panahong ma-ospital o depende sa sakit o pinsala ay malaki ang halaga ng pagpapagamot, mahirap itong mabayaran kahit 30% lamang ng halaga. Sa mga kasong ganito maaaring gamitin ang tinatawag na sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga. Sa sistemang ito kapag ang halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad ay lumampas sa isang nakatakdang halaga, ang lumampas na halagang ito ay ibabalik.

(1) Kapag ang ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad ay lumampas ng ¥63,600 sa isang buwan, ang lumampas na halaga ay ituturing na KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga at ibabalik (kung ang sinisingil na bayad sa pagpapagamot ay mahigit sa ¥318,000, ang 10% ng halaga na lumampas dito ay idadagdag sa nakatakdang halaga na ¥63,600).

Halimbawa A: Sa kasong na-ospital at ang sinisingil na bayad sa pagpapagamot ay ¥250,000.
Kung ang iyong medical insurance ay ang National Health Insurance o Kokumin Kenkou Hoken, 30% ang iyong babayaran, kaya ¥250,000 x 0.3 = ¥75,000 ang halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad. Kung gagamitin ang sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, ¥75,000 - ¥63,600 = ¥11,400 ang halagang ibabalik sa inyo.

Halimbawa B: Sa kasong ang sinisingil na bayad sa pagpapagamot ay umabot ng ¥500,000.
Kung ang iyong medical insurance ay ang National Health Insurance o Kokumin Kenkou Hoken, 30% ang iyong babayaran, kaya ¥500,000 x 0.3 = ¥150,000 ang halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad. Kung gagamitin ang sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, ¥63,600 + [(¥500,000 - ¥318,000) x 1%] = ¥65,420 ang magiging halagang ng inyong babayaran kaya ¥150,000 - ¥65,420 = ¥84,580 ang halagang ibabalik sa inyo.

Sa kasong ang pamilya ay municipal tax exempt o hindi kailangang magbayad ng buwis ng munisipyo, ang nakatakdang halaga ay magiging ¥35,400 (walang pakialam ang halaga ng pagpapagamot). Kaya sa halimbawa A: ¥75,000 - ¥35,400 = ¥39,600 ang ibabalik na halaga, at sa halimbawa B: ¥500,000 - ¥35,400 = ¥115,600 ang ibabalik na halaga.

(2) Kapag ang isang pamilya ay nagbayad ng dalawang beses o higit pa ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad na ang halaga ay ¥30,000 o higit pa sa loob ng isang buwan (¥21,000 sa kaso ng pamilya na municipal tax exempt o hindi kailangang magbayad ng buwis ng munisipyo), ang kabuuan na halaga ng mga binayad sa loob ng isang buwan ang gagamitin upang kalkulahin ang babalik na halaga sa sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, na ipinaliwanag sa (1).

Halimbawa: Ang halaga ng pagpapagamot ng ama sa loob ng isang buwan ay ¥200,000, sa anak naman ay ¥100,000. Ang halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad ng ama ay ¥60,000 at sa anak naman ay ¥30,000, kung isa-isa lamang ang titignan, pareho silang hindi makakagamit ng sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga. Subalit, parehong ¥30,000 o higit pa ang halaga kaya ang pagkalkula ay (¥60,000 + ¥30,000) – ¥63,600 = ¥26,400 ang halagang ibabalik sa kanila. Sa kaso ng pamilya na municipal tax exempt o hindi kailangang magbayad ng buwis ng munisipyo, (¥60,000 + ¥30,000) – 35,400 = 54,600 ang halagang ibabalik sa kanila.

(3) Kapag matagal ang pagka-ospital at sa loob ng isang taon ay higit pa sa talong beses gumamit ng sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, mula sa ika-apat na paggamit nito ang nakatakdang halaga na babayaran ay magiging ¥37,200 at ¥24,600 naman para sa pamilyang municipal tax exempt o hindi kailangang magbayad ng buwis ng munisipyo.

(4) Kapag ang income tax ng pamilya ay higit pa sa ¥6,700,000 (sa kasong ang gamit na insurance na pang-kompaniya, kapag ang average na sueldo sa isang buwan ay higit sa ¥560,000) ang pagkalkula ay mag-iiba. Sa kasong ito, ang ipinaliwanag sa (1) na ginamit na nakatakdang halaga sa pagkalkula na ¥63,600 ay magiging ¥121,800 at ang nakatakdang halaga na ¥318,000 ay magiging ¥609,000.

<Pa-alaala>

Ang maaari lamang gamitan ng sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga ay ang pagpapagamot na maaari lamang gamitan ng insurance (ang maaaring gamitan ng 30% o kaya naman 20% sa pagbabayad), ang bayad sa kuwarto ng ospital na hindi lubos na sakop ng insurance, ang gintong pantakip sa ipin, ang pagkain sa ospital at marami pang iba, ay hindi sakop ng insurance.

Sa sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, babayaran muna ang halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad, pagkatapos nito saka lamang makakapag-apply para sa pagbalik ng sobra sa binayaran, ngunit sa kasong mahirapan sa pagbayad ng halaga ng ICHIBU FUTAN o pursiyento ng bayad dahil sa laki ng halaga, maaaring gamitin ang isa pang sistema na nagpapauna ng halaga na sobra sa dapat bayaran na tinatawag na KOUGAKU RYOUYOUHI SHIHARAI SHIKIN TATEKAE SEIDO (sa sistemang ito, kapag magbabayad na, maaaring ipauna ng walang interes ang halagang lumampas sa nakatakdang halaga na babayaran sa sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga). Kung gagamitin ang sistemang ito, ang kailangang bayaran laman ay ang nakatakdang halaga na babayaran sa sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga. (Ang insurance na pang-kompaniya ay mayroon ding sistemang tulad nito na tinatawag na KOUGAKU RYOUYOUHI YUUSHI SEIDO.) Sa bawat munisipyo mayroong kaunting pagkakaiba ang pagpapalakad ng mga sistemang naipaliwanag.

Maaari kayong magtanong ukol sa sistema ng KOUGAKU RYOUYOUHI o pagpapagamot na malaki ang halaga, TATEKAE SEIDO o sistema ng pag-pauna, at KASHITSUKE SEIDO o sistema ng pagpapahiram sa heath insurance section sa munispyo o kaya naman sa ospital (sa social worker na pang-medikal). At isang napakahalagang pa-alaala, ingatan lamang at huwag wawalain ang lahat ng recibo ng ospital.