SISTEMANG PANGKABUHAYAN NA TULONG NG PAMAHALAAN


Ang Sistema ng Pangkabuhayan na Tulong ng Pamahalaan ay magagamit ng kahit na sino na di makapaghanap-buhay bunga ng pagkakasakit o kapinsalaan, o ng kahit na sino na nawalan ng trabaho o kaya ay di makakita ng mapapasukan kahit na anupamang pagsusumikap ang kanilang gawin at nagigipit sa pagbabayad sa pang-araw-araw na pamumuhay at sa pagpapagamot. Sa pamamagitan ng naturang sistema, ang gobyerno ay nag-gagarantiya ng minimal na tulong upang mapanatili ang kalusugan at sibilisadong pamumuhay ng maski sinong tao na nasa gipit na katayuan sa pananalapi ano paman ang dahilan nito.

Sa naturang sistemang ito na magagamit nang kahit na sinong ang kinikita ay mabababa sa itinakdang pamantayan ng gobyerno. Sa panahon ng pagbigay ng aplikasyon, ang aplikante ay hihilinging ipakitang lahat, di lamang ng sariling pinag kakakitaan, pati na rin ng buo nitong pamilya, kasali na rin dito ang talaan ng naiipong salapi, ari-arian, mahahalagang bagay na pag-aari, gayun din ang kanyang abilidad na makapag-hanap buhay. Hindi nanganga-hulugan na ang mga bagay na siyang kailangan sa pangkabuhayan ay ipagbili, itapon o ipamigay, hindi rin ito nangangahulugan na ang aplikasyon ay tatanggihan kung ang naturang tao ay may maliit na naitatabing impon o salapi.

Hindi kinakailangang ipagsapalaran ang kalusugan upang makapag-trabaho. Ang sistemang ito ay para sa mga taong may kakayahang magtrabaho subalit kahit na ano pamang pag-pupursigi ang kanilang gawin ay hindi sila makakita ng mapapasukan.

Sa pagkakataon namang ang aplikante ay makakakuha ng tulong mula sa kanilang kamag-anakan o sa iba, ito ang bibigyan ng prayoridad at magagamit lamang ang sistema sa pagkakataong ang kabuuang tulong ay mababa pa rin sa itinakdang halaga ng sistemang ito.

Ang pag-aaplay upang magamit ang naturang sistema ay nararapat lamang na gawin sa Welfare Office na siyang sumasakop sa distritong tinitirhan ng aplikante.

Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng Pangkabuhayang Tulong ng Pamahalaan na itinakda ng Siyudad ng Kobe.

1. Para sa 50 anyos na namumuhay ng mag-isa, pang-gastos sa pang-araw araw na pamumuhay ay 82,500 yen, pang-gastos para sa aktuwal na upa ay hanggang 41,800 yen.

2. Para sa isang tatlo kataong pamilya, (Ang ama ay 42 taong gulang, ang ina ay 40, ang anak ay nasa ikalawang taon ng high school) Pang-gastos para sa pang-araw araw na pamumuhay ay 177,724 yen, pang-gastos sa aktuwal na upa ay hanggang 52,200 yen at pang-gastos para sa pag-aaral 4,800 yen.

Sa lahat ng nabanggit na kaso, ang medical care o pagpapagamot ay maaaring makamit ng libre.

Gayon man maaaring magkaroon ng pagkaka-iba sa halaga ng Tulong na Pananalapi mula sa pamahalaan depende sa lugar ng tinitirhan ng aplikante.

Para sa iba pang karagdagang detalye tungkol sa bagay na ito, tumawag lamang sa inyong local na Welfare office.

Kung hindi naman kayo nakakaintindi ng wikang hapon, tumawag lamang sa pinaka-malapit na counseling service para sa mga dayuhan. Mayroon mga interpreters at maaari kayong makahingi ng payo sa sarili ninyong wika.

[ANG MGA MAAARING HILINGANG NG PAYO NG MGA DAYUHAN SA KOBE]
* Kobe Foreigner’s Center [KFC]: 078-731-6926
Wika: Vietnamese at Japanese
Araw na maaaring kumonsulta: Martes ~ Biyernes, alas 10 ng umaga ~ alas 4:30 ng hapon
* NGO Network sa Pagtulong ng Mga Dayuhan sa Kobe [GQ-net]: 078-232-1290
Wika: English, Chinese, Korean, Spanish, Portugese at Japanese
Araw na maaaring kumonsulta: Miyerkules, alas 2:00 ng hapon ~ alas 8:00 ng gabi
Sabado, alas 11:00 ng tanghali ~ alas 5:00 ng hapon